Pinaghahandaan na ng Lokal na Pamahalaan ng Odiongan ang posibleng epekto ng Very Strong El Niño sa suplay ng tubig, agrikultura, pangisdaan, edukasyon at kalusugan kasunod ng mga pagtataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) tungkol sa inaasahang paglala ng tagtuyot sa mga susunod na buwan.
Pinangunahan ni Mayor Roger Fodra, bilang chairperson ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), ang pagpupulong sa Operation Center sa Barangay Dapawan upang talakayin ang mga kinakailangang paghahanda.
Batay sa forecast ng PAGASA na inilahad sa pulong, inaasahang makaranas ang Romblon ng dry spell na tatagal nang dalawa hanggang tatlong buwan. Posible ring lumala ang kondisyon mula katapusan ng January hanggang March 2027 at humantong sa drought.
Bilang paghahanda sa posibleng kakulangan sa tubig, sinabi ni Fodra na nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa mga pribadong negosyo at kabahayan upang matukoy ang maaaring makatulong sa pagdaragdag ng suplay. Isinasaalang-alang din ang pagbili ng mga water tank para sa pag-iimbak at pamamahagi ng malinis at ligtas na inuming tubig.
Sa sektor ng agrikultura, hinikayat ni Engr. Joel Fadero ang mga magsasaka na magtanim ng palay sa October hanggang November upang makapaghanda bago maranasan ang epekto ng El Niño. Para naman sa mga hindi na makapagtatanim ng palay sa panahong ito, iminungkahi ang mga alternatibong pananim na hindi gaanong nangangailangan ng tubig, gaya ng munggo at mais.
Posible ring maapektuhan ang sektor ng pangisdaan, lalo't naitala kamakailan ang pagkamatay ng mga isda sa ilang coastal barangay ng Odiongan.
Samantala, naghahanda rin ang sektor ng edukasyon ng mga contingency measure, kabilang ang pagtiyak sa sapat na suplay ng tubig at maayos na bentilasyon sa mga paaralan upang mapangalagaan ang kalagayan ng mga mag-aaral sa panahon ng matinding init.
Nagpaalala naman si Dr. Gaudencio Formadero sa publiko na uminom ng sapat na tubig at mag-ingat sa mga sakit sa balat at iba pang karamdaman na maaaring lumala dahil sa matinding init.
Bukod sa paghahanda sa Very Strong El Niño, nirepaso rin sa pagpupulong ang mga programa at proyekto para sa disaster preparedness ngayong taon, kabilang ang paggamit ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund, mga binili at ipinoprosesong pangangailangan, at mga isinagawang disaster drill sa mga nakaraang quarter.
Tinalakay at inaprubahan din ang mga panukalang programa, proyekto at aktibidad para sa susunod na taon upang higit pang mapalakas ang pagpaplano, koordinasyon at pagtugon ng lokal na pamahalaan sa mga panganib na dulot ng kalamidad at pagbabago ng klima.
Patuloy namang pinagtitibay ng lokal na pamahalaan ang koordinasyon ng mga tanggapan at iba pang sektor upang mapaghandaan ang posibleng epekto ng El Niño at mapangalagaan ang suplay ng mga pangunahing pangangailangan, kaligtasan at kabuhayan ng mga residente. (PR)


























