Muling makatatanggap ng libreng school supplies ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa bayan ng Odiongan para sa darating na pasukan.
Sa anunsyo ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic sa kanyang Facebook post nitong Lunes, aabot sa 10,500 estudyante mula Kinder hanggang Grade 12 ang mabibigyan ng mga pangunahing gamit sa eskwela tulad ng notebooks, pad paper, lapis at ballpen, eraser, gunting, at crayons.
Target ng pamamahagi ay sa June 25 hanggang 26, ayon sa alkalde.
“Medyo mahuhuli lang ang pag-distribute ng school supplies — ang target ay June 25 at 26. Ito ay dahil nagkaroon ng election ban kaya ngayong Mayo lang tayo nakapag-process ng procurement,” paliwanag ni Mayor Fabic.
Matatandaang noong nakaraang taon ay 6,500 estudyante mula elementarya ang nabigyan din ng kahalintulad na ayuda mula sa lokal na pamahalaan.
Nilinaw ng alkalde na ang naturang proyekto ay hindi pa bahagi ng programa ng pamahalaang panlalawigan, kundi isang inisyatibo ng LGU-Odiongan.
Si Mayor Trina Firmalo-Fabic ay nakatakdang manungkulan bilang gobernador ng Romblon simula Hunyo 30.


































