Nagpapatuloy ang pamamahagi ng tulong-pinansyal sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program ng pamahalaan, kung saan 588 benepisyaryo mula sa iba't ibang barangay ng Odiongan ang nakatanggap ng ayuda sa isinagawang manual payout ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kabilang sa mga pinagkalooban ng tig-₱2,000 kada buwan na tulong ang mga kwalipikadong benepisyaryong hindi nakakuha ng kanilang ayuda noong ikalawang tranche.
Maaga pa lamang ay dumagsa na ang mga benepisyaryo sa Odiongan Public Plaza upang matanggap ang kanilang tulong. Ilan sa mga nagmula sa malalayong barangay ay alas-5 pa lamang ng umaga ay nakapila na sa lugar ng payout.
Sa panayam, nagpahayag ng pasasalamat ang mga benepisyaryo sa natanggap na tulong-pinansyal na anila'y malaking dagdag sa kanilang pang-araw-araw na gastusin, partikular sa pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Samantala, pinayuhan ng DSWD ang mga benepisyaryong pumili ng online payout sa pamamagitan ng GCash at Land Bank of the Philippines na maghintay hanggang sa katapusan ng Nobyembre kung hindi pa nila natatanggap ang kanilang ayuda.
Hinimok din ang mga ito na hintayin ang kaukulang abiso hinggil sa kanilang payout at tiyaking tama ang impormasyong ibinigay para sa pagproseso ng kanilang tulong. (PJF)


























