Nagpaabot ng pasasalamat ang mga benepisyaryo sa bayan ng Alcantara matapos matanggap ang ₱2,000 financial assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng UPLIFT Program.
Ayon sa mga benepisyaryong nakausap ng Romblon News Network, malaking tulong ang natanggap nilang ayuda para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
“Maraming salamat po kay PBBM, malaking tulong sa amin ang ₱2,000,” pahayag ng isang benepisyaryo.
Samantala, sinabi naman ng isa pang benepisyaryo na nakatutulong ang naturang halaga lalo na sa pagtugon sa mga pangunahing gastusin ng kanilang pamilya.
“Nagpapasalamat ako dahil nakakatulong siya sa tao at nakakatulong ang ₱2,000 sa mga pangangailangan,” ani niya.
Ipinamahagi ngayong araw ng DSWD ang financial assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa Alcantara bilang bahagi ng UPLIFT (Unified Package Livelihoods, Industry, Food, and Transport) Program.
Sa ilalim ng programa, makatatanggap ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ng ₱2,000 kada buwan sa loob ng anim na buwan, o kabuuang ₱12,000 financial assistance.
Layunin ng UPLIFT Program na magbigay ng pansamantalang suporta sa mga kwalipikadong sektor upang makatulong sa kanilang pangangailangan habang pinapalakas ang kanilang kakayahang makabangon sa pamamagitan ng iba’t ibang programa ng pamahalaan.


























