Tumanggap ng tig-₱2,000 na educational assistance ang 16 na college graduates sa Barangay Limon Norte, Looc, Romblon noong Oktubre 23 sa ilalim ng programang pinondohan ng Sangguniang Kabataan (SK).
Isinagawa ang payout sa SK Office ng barangay para sa mga nagtapos ng kolehiyo noong Hunyo at Oktubre 2026, na may kabuuang halagang ₱32,000 na naipamahagi sa mga benepisyaryo.
Ayon kay SK Chairperson Edgenel Liberato, sinimulan ang programa noong nakaraang taon, kung saan 19 na college graduates ang nakatanggap ng kaparehong tulong pinansyal.
Nagpasalamat naman ang benepisyaryong si Yonna Mae Flaviano sa tulong na ipinagkaloob ng barangay.
“Taos-puso po akong nagpapasalamat sa ating barangay sa pagbibigay ng tulong pinansyal para sa aming mga graduating students,” ani Flaviano.
Ayon pa sa kanya, malaking tulong ang natanggap na assistance upang mabawasan ang mga gastusin kaugnay ng pag-aaral.
Layunin ng programa na magbigay ng pinansyal na suporta sa mga nagtapos ng kolehiyo at mahikayat ang iba pang kabataan na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral hanggang sa pagtatapos.


























