Sinimulan na ang konstruksyon ng ₱11.7-milyong multi-purpose building ng Romblon Police Provincial Office (RPPO) sa Barangay Capaclan, Romblon, Romblon matapos isagawa ang groundbreaking ceremony nitong October 23, 2026.
Pinangunahan ng PNP MIMAROPA Regional Director Police Brigadier General Christopher Dela Cruz, ang seremonya para sa proyektong pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) para sa taong 2026.
Nagkakahalaga ng ₱11,701,801.04 ang proyekto na ipatutupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Romblon District Engineering Office. Inaasahang matatapos ang konstruksyon sa Abril 11, 2027.
Gagamitin ang gusali bilang lugar para sa mga opisyal na pagtitipon, pagsasanay, kumperensiya at mga aktibidad na naglalayong palakasin ang ugnayan ng pulisya at komunidad.
Dumalo sa seremonya ang mga kinatawan ng pambansa at lokal na pamahalaan, kabilang sina Romblon Vice Governor Armando Gutierrez, na kumatawan kay Governor Trina Alejandra F. Firmalo-Fabic; Esteban Santiago Denon Madrona Jr., chief of staff ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus Madrona; at Romblon Mayor Gerard Montojo.
Kasama rin sa mga dumalo ang mga kinatawan ng DPWH Romblon District Engineering Office, MGMP Corporation at PRO MIMAROPA.


























