Isang bahay ang natupok ng apoy sa Barangay Dulangan, Magdiwang, Romblon bandang alas-3 ng hapon nitong Pebrero 1, 2025. Ang nasunog na bahay ay dating pagmamay-ari ni Roxan Romero.
Ayon kay Roxan, wala silang nasalba na anumang gamit, kasama na ang ₱40,000 cash na pagmamay-ari ng kanyang ina. Ang pera ay nakalaan sana para sa pagpapagawa ng bahay. Tinatayang aabot sa ₱100,000 ang kabuuang pinsala, kasama na ang nawalang cash at mga ari-arian.
Kasama rin sa mga nasunog ang isang bagong silang na tuta na namatay dahil sa matinding init ng apoy.
Bagamat nasa gilid ng sapa ang bahay at may mga kalapit-bahay, hindi agad namalayan ng mga residente na ito’y nasusunog. Mabilis kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang bahay, maliban sa yero nitong bubong.
Ayon kay Roxan, posibleng sanhi ng sunog ang sira o depektibong linya ng kuryente sa bahay. Agad na rin itong iniulat sa mga kinauukulan para masusing ma-imbestigahan ang tunay na dahilan ng insidente.
Sa kasalukuyan, ligtas naman ang mga magulang at bunsong kapatid ni Roxan na nakatira sa nasunog na bahay. Sa oras ng insidente, nasa bahay sila ni Roxan kaya walang naiulat na nasaktan o nasawi.
Discussion about this post