“Pasado na sa huling pagbasa sa kongreso ang pagiging Regional Government Hospital sa Mimaropa ang Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH), hinihintay na lamang natin ang magiging resulta sa pagdinig sa senado.”
Ito ang deklarasyon ni OMPH Chief-of-Hospital, Dr. Dante Nuestro matapos ang isinagawang panayam sa palatuntunan sa radyo, ang ‘PIA Balita at Talakayan’ kamakailan.
Ayon sa doktor, sakaling maganap ito ay kailangan na dagdagan ang kapasidad ng mga kama gayundin ng mga doktor, nurses at medical technician upang mapabilis ang serbisyo sa mamamayan, hindi lamang anya sa lalawigan kundi pati na rin sa mga karatig lalawigan na nagdadala ng mga pasyente sa lungsod para ipagamot, na sa kasalukuyan ay nagaganap kaya marapat lamang na ito ay gawing pangunahing ospital sa buong rehiyon.
Dagdag pa ni Nuestro, ito ang resulta sa isinagawang botohan ng mga doktor sa rehiyon ilang taon na ang nakalipas at kanila anyang napagdesisyunan na ang OMPH lamang ang may kapasidad na maging regional hospital dahil marami itong makabagong gamit at instrumento at sapat na mga dalubhasa para mag opera ng mga may malalang sakit. Ito din ang sentro ng rehiyon at malapit na daan patungo sa kalakhang Maynila.