Magbibigay ng P1-milyong pabuya si Senator Raffy Tulfo sa taong makapagtuturo sa pumatay sa 21-anyos na binata at gumahasa sa 17-anyos na nobya nito sa Marinduque noong Biyernes, July 15.
Ayon kay Tulfo, kanyang mariing kinokondena ang ginawa sa magnobyo sa Boac, Marinduque na tinawag niyang karumal-dumal.
“Walang konsensiya ang gumawa ng ganitong karumal-dumal at kalunos-lunos na krimen,” pahayag ni Tulfo.
“Kaya ako po ay magbibigay ng P1 milyong pabuya sa ikadarakip ng suspek. Basta sigurado ako na talagang ang may sala ang madarakip at mapananagot,” dagdag pa nito.
Samantala, kahit wala umanong pabuya ay gagawin ng mga awtoridad sa Mimaropa na matukoy ang salarin at mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
Hinikayat ni Brig. Gen. Sidney Hernia, director ng Mimaropa Police, ang publiko na makipag-ugnayan sa awtoridad para sa ikakadakip ng suspek.