Muling ipatutupad ng Department of Health Center for Health Development MIMAROPA ang ‘ABKD' o ‘Aksyon Barangay Kontra Dengue' sa rehiyon upang labanan ang tumataas na kaso ng dengue sa mga probinsya sa Mimaropa.
“Magpapalabas po tayo ng advisory regarding sa reactivation ng ABKD o Aksyon Barangay Kontra Dengue,” pahayag ni Al Patrick Aquino, Nurse V ng DOH CHD Mimaropa, sa ginanap na virtual presser nitong ika-23 ng Mayo.
“Ang gusto po natin na mga barangay captains po natin ang mamumuno [sa laban kontra dengue] at ‘yung ibang barangay natin ay gumawa na ng barangay brigade. Mas maganda kasi na ‘yung mga kapitan ang nangungana sa paglilinis ng kapaligaran,” dagdag pa ni Aquino.
Aniya, ang ABKD strategy ay makakatulong upang para hindi tumaas ang kaso ng dengue sa mga kabarangayan at hindi magkaroon ng outbreak.
Bahagi rin ng ABKD ang 4 o’clock cleaning habit at iba pang programa ng mga barangay local government unit upang malabanan ang mga lamok.
Samantala, mas paiigtingin rin ng DOH CHD Mimaropa ang pangangampanya nila sa publiko para masunod ang 4S strategy.
Ito ay ang “Search and Destroy” o sirain at hanapin ang mga tinitirhan ng mga lamok; ang “Secure Self Protection” o ang paglalagay ng mga insect repealant lotions at kumalbo; “Seek Early Consultation” kung may sintomas na ng dengue; at ang “Say Yes to Fogging” kung may pangamba ng outbreak.
“Ang dengue po ay masusugpo sa partisipasyon at sama-samang pag-aksyon. Let's all unit against dengue amidst Covid-19 pandemic,” huling panawagan ni Aquino.


































