Isang patay na lalaki ang nakita ng mga residente sa dalampasigan ng Sitio Proper, Barangay Canyayo sa bayan ng Santa Fe, Romblon noong hapon ng Lunes.
Ayon sa Santa Fe Municipal Police Station, ang biktima ay kinilalang si Eduardo Villamero Cedino, 56, residente ng nabanggit na barangay.
Sa pag-iimbestiga ng kapulisan, lumalabas na huling nakita si Cedino ng kanyang anak bandang alas-10 ng umaga habang naliligo ito sa dagat.
Bandang alas-3 ng hapon, nagising umano ang anak ni Cedino dahil sa ingay sa labas ng kanyang bahay at dito na bumungad sa kanya na lumulutang sa tubig ang kanyang ama kaya agad niya tinulungan ngunit huli na ang lahat.
Sinubukan pa nila na i-revive ang matandang Cedino ngunit bigo sila.
Isinalang na sa post-mortem examination ang labi ng nasawi habang patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan.