Naaresto ng mga tauhan ng gobyerno ang isang lalaki na residente ng Odiongan sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation sa Sitio Binucot, Barangay Bunsoran, Ferrol, Romblon nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ang naarestong suspek na si Rex Fallaria, 62 anyos.
Ang nasabing operasyon ay ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency – Romblon, Romblon Provincial Intelligence Branch, Ferrol Municipal Police Station at Romblon Police Mobile Force Company.
Ayon sa police report mula sa Romblon Police Provincial Office, nabilhan umano nila ng isang plastic sachet si Fallaria na may lamang ipinagbabawal na shabu n may bigat na halos isang gramo.
Samantala, itinanggi naman ni Fallaria ang mga paratang laban sa kanya.
Nakakulong na siya ngayon at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilalang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.