Naglabas na ng pahayag si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co kaugnay ng kontrobersiyang kinasasangkutan niya sa umano’y anomalya sa mga flood control project.
Sa isang pahayag, sinabi ni Co na inutusan umano siya na magpasok ng P100 bilyong proyekto sa bicam. Aniya, tumawag siya kay dating House Speaker Martin Romualdez upang iparating ang umano’y direktiba.
Ayon kay Co, matapos ang kaniyang medical trip abroad, pinigilan umano siyang makabalik agad sa Pilipinas.
“Sinabi ni dating Speaker Martin Romualdez: ‘Stay out of the country. You will be well taken care of as instructed by the President,’” pahayag ni Co.
Kasabay nito, iginiit ni Co na ginagawa umano siyang “panakipbutas” habang lumalawak ang imbestigasyon sa kontrobersiya ng flood control projects.
Giit niya, handa na siyang ilabas ang umano’y kumpletong ebidensya — kabilang ang mga dokumento at pangalan — na magpapakita ng lawak ng transaksyon sa loob ng budget process.
Sinabi rin ni Co na ang direktiba umano sa pagpasok ng bilyon-bilyong halaga sa pambansang badyet ay nagmula sa pinakamataas na liderato, na umano’y kinumpirma pa ng ilang opisyal ng gobyerno.
Wala pang opisyal na tugon mula sa Malacañang o kay dating Speaker Romualdez hinggil sa mga alegasyong inihayag ni Co.


































Discussion about this post