Tiniyak ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque na mananatiling stable ang presyo ng mga Noche Buena items ngayong kapaskuhan, habang ilan sa mga pangunahing produkto ay nagpatupad pa ng price rollback.
Sa panayam kay Pinky Webb sa programang On Point ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Roque na magandang balita ito para sa mga mamimili lalo na’t papalapit na ang Pasko.
“Actually, for the Noche Buena items, meron pong mga items na nag-rollback po sila,” pahayag ng kalihim. “Magandang balita po ‘yun for the consumers.”
Kabilang sa mga Noche Buena staples na nagbaba ng presyo ay ham, queso de bola, spaghetti sauce, at cheese, mga produktong karaniwang laman ng hapag tuwing Pasko.
Ayon pa kay Roque, ang karamihan sa mga Noche Buena products ay walang ipinataw na anumang dagdag-presyo.
“Majority of them had no price increase, meaning kung ano ‘yung price noong 2024, ‘yun din po ‘yung presyo ngayon,” aniya.
Hindi rin umano nagtaas-presyo ang ilang produkto ng manufacturers na hindi kabilang sa basic necessities and prime commodities.
Ipinagmalaki naman ng kalihim na resulta ang price stability na ito ng matatag na pakikipag-ugnayan ng DTI sa mga manufacturers upang mapanatili o mabawasan ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
“Maganda ‘yung relationship ho namin, so every time we request… since I sat down as DTI Secretary, wala pa po kaming price increase, and it’s been more than a year already,” ani Roque.
Inaasahang makatutulong ang price hold at rollbacks upang mabawasan ang gastusin ng mga pamilyang Pilipino sa paghahanda ng kanilang Noche Buena sa gitna ng patuloy na pagbangon ng maraming lugar mula sa mga nagdaang bagyo.




































Discussion about this post