Walang naitalang nasawi sa lalawigan ng Romblon sa kabila ng malakas na ulan at hangin na dala ng Bagyong Uwan nitong weekend, ayon sa pinakahuling ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Itinuturing na malaking dahilan ang maagap na preemptive evacuation ng mga residente mula sa mga lugar na mataas ang panganib, lalo na sa mga nasa baybayin na may banta ng daluyong o storm surge.
Sa San Andres at Santa Fe, ilang bahay ang nasira at pinasok ng tubig-dagat, habang may mga kalsadang naapektuhan ng pag-alon at malakas na hangin.
Umabot sa 14,678 katao o katumbas ng 4,759 pamilya ang inilikas mula sa 172 barangay sa buong lalawigan.
Agad namang nagpadala ng tulong ang lokal na pamahalaan at ang Department of Social Welfare and Development sa mga nagsilikas na mahigit isang araw na nanatili sa evacuation centers dahil sa banta ng masungit na panahon.
Samantala, 247 pasahero ang na-stranded sa bayan ng Romblon at 75 katao naman sa Sibuyan Island matapos ipatigil ang biyahe ng mga sasakyang pandagat dahil sa masamang panahon. Nakabiyahe naman sila paalis ng Romblon matapos tanggalin ang storm signal sa lalawigan.
Naitala rin ng PDRRMO ang ilang nasirang motorized banca na may kabuuang halaga ng pinsala na P105,000.
May isang Barangay Health Worker ang iniulat na nadulas sa isang day care center, ngunit ayon sa Ferrol Municipal DRRMO, hindi ito itinuturing na bagyo-related incident.
Maghapong naranasan ng Romblon ang malalakas na ulan at hangin nitong Linggo bago tuluyang mag-landfall ang Bagyong Uwan sa Luzon.



































Discussion about this post