Sa ikalawang sunod na taon ay muling nakatakdang magdaos ng one-day chess tournament ang San Fernando Chess Club sa bayan ng San Fernando sa Sibuyan Island, Romblon.
Gaganapin ito sa San Fernando Covered Gym sa December 7, 2025 bilang bahagi ng kanilang town fiesta celebration. Eksklusibo ang torneo para sa mga Sibuyanon, kabilang ang mga nakatira na sa ibang lugar basta may dugong Sibuyanon.
Ang magiging kampeon ay mag-uuwi ng P4,000, ang second place ay P2,500, ang third place P2,000, ang fourth place P1,000, ang fifth place P800, ang sixth place P700, ang seventh place P600, at ang eighth place P500. May nakalaan ding gantimpala para sa mga espesyal na kategorya tulad ng top junior 1 (P600), top junior 2 (P500), top adult 1 (P600), top adult 2 (P500), top female 1 (P600), at top female 2 (P500).
Noong nakaraang taon ay isinagawa ang pinakaunang Open Chess Tournament sa San Fernando, na pinangunahan ng Faeldonia Clan. Sa taong ito ay nilimitahan muna ang torneo para sa mga Sibuyanon. Gayunpaman, umaasa ang San Fernando Chess Club, sa pamumuno ng club president na si Fabert “Nonong” Reyes, na marami pa rin ang sasali at na makikilala nila ang mga kabataang may potensyal sa larangan ng chess.
Inamin ni Reyes na hindi naging madali ang pag-organisa ng torneo dahil sa kakulangan ng pondo at kaunting sumusuporta sa kanilang adbokasiya na makapaglinang ng mahuhusay na chess players mula sa isla. Gayunpaman, ipinagpatuloy nila ang programa dahil sa kanilang pagsuporta sa mga kabataan.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Reyes: “Hindi madali mag-organize ng chess tournament. Dumaan kami sa sitwasyon na halos sumuko na ako dahil wala kaming sariling funding at kakaunti ang sumusuporta sa aming layunin na makapag-develop ng top chess players mula sa aking islang sinilangan. Pero sa tulong ng Diyos, ipinagpatuloy ko pa rin ito. Salamat sa lahat ng nagbigay ng suporta, maliit man o malaki. Itutuloy namin ito para sa mga kabataang may potensyal. God speed sa mga kasama kong patuloy na tumutulong—sina Joe Hammer, Jojo Forcadas, at Marvin Mallorca. Ginagawa namin ito para sa kabataan.”
Para sa iba pang detalye at sa mga interesadong sumali, maaaring makipag-ugnayan kay San Fernando Chess Club President Fabert Reyes sa 0927-511-5013. Ang registration fee ay P200.




































Discussion about this post