Nanawagan si Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” Madrona sa publiko na manatiling alerto at maghanda, kasunod ng pagtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa buong lalawigan dahil sa Bagyong Uwan.
Ayon kay Madrona, inaasahang mas malalakas na hangin at mas matitinding pag-ulan ang maaaring maranasan sa mga susunod na oras kaya mahalagang maging maingat at maagap ang bawat Romblomanon. Binigyang diin niya ang kahalagahan ng pag-secure ng mga gamit sa paligid ng bahay, pag-charge ng mga cellphone at power banks, at patuloy na pagsubaybay sa mga opisyal na update mula sa PAGASA at local disaster offices.
Hinimok din ng kongresista ang publiko na iwasan ang pagbiyahe sa mga lugar na madalas bahain o lanslide-prone at pinaalalahanan ang mga mangingisda na huwag nang pumalaot hangga’t may banta ng malakas na bagyo.
Bahagi ng kanyang pahayag ang panawagan na alalayan ang mga nakatatanda, persons with disabilities, at iba pang mga kababayang maaaring mangailangan ng tulong habang lumalapit ang panganib. Aniya, ang pagiging handa ay tungkuling kolektibo ng buong komunidad.
Binanggit din ni Madrona na sa ganitong panahon, ang simpleng pagpapakita ng malasakit sa kapwa—tulad ng pag-abiso, pagbabahagi ng impormasyon, o pag-abot ng tulong—ay may malaking epekto sa kaligtasan ng bawat isa.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, nanawagan ang kongresista ng pagkakaisa at pananatiling kalmado habang hinaharap ng lalawigan ang panibagong pagsubok.
“We have weathered storms before, and together, we will again,” aniya.



































Discussion about this post