“Magkaisa tayo. Ang bawat segundo ay mahalaga.”
Ito ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng ahensya ng pamahalaan upang manatiling naka-full alert at tiyakin ang kaligtasan ng publiko habang patuloy na lumalakas ang Bagyong Uwan na kasalukuyang papalapit sa Hilagang Luzon.
“Pinapaalalahanan ko ang lahat na manatiling mahinahon at huwag maging kampante. Sumunod sa mga abiso ng inyong mga lokal na pamahalaan at agad lumikas kung kayo ay nakatira sa mga delikadong lugar. Ihanda ang inyong mga pangunahing pangangailangan at manatiling nakatutok sa mga opisyal na anunsyo,” ani Pangulong Marcos.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), mabilis na lumakas ang Bagyong Uwan sa nakalipas na 24 oras habang nasa karagatan ng Pilipinas, at posibleng lalo pa itong lumakas, batay sa babalang inilabas ng ahensya sa isang press conference pasado alas-11 ng umaga, Sabado, Nobyembre 8.
Nitong Sabado ng umaga, iniulat ng PAGASA na tumaas ang pinakamalakas na hangin ni Uwan mula 130 kilometro bawat oras patungong 140 km/h, habang ang bugso ng hangin ay umabot na sa 170 km/h mula 160 km/h.
Ipinahayag ng Pangulo na ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay nag-deploy ng mga bus at truck para sa mga evacuation o paglikas. habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Public Works and Highways (DPWH), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine Coast Guard (PCG) ay nakaposisyon na ang mga sasakyang pang-rescue, lifeboats, at mga relief goods sa mga lugar na mataas ang panganib.
“Patuloy nating binabantayan ang pagtindi ng Bagyong Uwan habang papalapit ito sa Hilagang Luzon. Naka-full alert ang lahat ng ahensya ng pamahalaan at agad na kumikilos upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” ani Pangulong Marcos.
Dagdag pa niya, “Ang DOTr at LTFRB ay nakapag-deploy ng mga bus at truck para sa evacuation, habang ang DSWD, DPWH, AFP, at Coast Guard ay may mga nakaposisyong sasakyang pang-rescue, lifeboats, at relief goods sa mga lugar na maaaring tamaan ng bagyo.”
“Suspendido ang toll fees para sa mga emergency convoy at responders, may inilaan tayong espesyal na lane upang mas mabilis nakarating sa mga high-risk areas,” ayon sa Pangulo.
“Ang MMDA at mga lokal na pamahalaan ay nagsasagawa ng paglilinis sa mga daluyan ng tubig at pagtatanggal ng mga sagabal sa mga kalsada. Binuksan din ng ilang mall at gusali ang kanilang mga parking area upang magamit ng mga residente sa mga lugar na madalas bahain,” ayon sa Pangulo.
Dagdag pa ng Pangulo, sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of the Interior and Local Government (DILG), isinasagawa na ang pre-emptive evacuation upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa mga lugar na nasa panganib bago tuluyang mag-landfall ang Bagyong Uwan.



































Discussion about this post