Nagpahayag ng pasasalamat ang mga alkalde sa lalawigan ng Romblon matapos matanggap ang bahagi ng ₱5-milyong tulong na ipinagkaloob ng pamahalaang nasyonal para sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Tino, kasunod ng pagdedeklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng State of National Calamity.
Sa bayan ng Cajidiocan, kung saan mahigit 1,000 residente ang inilikas, sinabi ni Mayor Marvin Ramos na malaking tulong ang naturang pondo kahit pa minimal lamang ang naitalang pinsala sa kanilang lugar.
“As one of the towns na recipient ng part ng ₱5-million, we are very thankful to the financial aid extended by the national government through President Marcos kasi by this time, all help is necessary lalo na at exhausted na ang fund ng LGUs dahil maraming bagyo ang dumaan,” ani Mayor Ramos.
“Noon sa DSWD lang tayo nakakahingi pero ngayon, by my understanding ay mula na mismo sa Pangulo,” dagdag pa niya.
Sa bayan naman ng San Jose, kung saan 1,592 ang inilikas at may mahigit 50 bahay ang nasira, nagpasalamat si Mayor Ronnie Samson sa mabilis na tulong mula sa pamahalaang nasyonal. Aniya, malaking bagay ito upang mapabilis ang pagbangon ng mga naapektuhang pamilya.
“Ako ay nagpapasalamat sa Pangulo agad kasi sigurado na mabibigyan itong mga nasalanta naming kababayan. We are hopeful na lahat ng nasalanta sa probinsya ay mabigyan ng pantay,” pahayag ni Samson.
Tiniyak din niya na patuloy nilang imo-monitor ang mga apektadong komunidad at paiigtingin ang pamamahagi ng tulong mula sa national government.
Nagtalaga ang Office of the President ng kabuuang ₱760 milyon para sa iba’t ibang LGU sa bansa na matinding tinamaan ng bagyo.
“That gives us quicker access to some of the emergency funds. Secondly, mapapabilis ang ating procurement so that we don’t have to go to the usual bureaucratic procedures and we can immediately provide assistance to the victims,” ayon kay Pangulong Marcos sa naunang pahayag.




































Discussion about this post