Umabot na sa mahigit 1,500 residente ang inilikas sa iba’t ibang evacuation centers sa bayan ng Banton matapos itaas sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 ang isla dahil sa Bagyong Uwan.
Ayon kay Gaywaneth Kristine Musico, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Banton, katumbas ito ng 566 na pamilya na sapilitang inilikas mula sa mga lugar na itinuturing na high-risk tulad ng landslide-prone zones, coastal at storm surge–prone areas, pati na mga kabahayan na gawa sa light materials.
Sinabi ni Musico na nagsimula na ang pre-emptive evacuation sa buong bayan dakong alas-6 ng umaga upang masigurong ligtas ang mga residente bago maranasan ang inaasahang mas malakas na epekto ng bagyo, na posibleng umabot sa Super Typhoon category bago mag-landfall.
Sa kasalukuyan, pabugso-bugsong ulan at malalakas na hangin ang nararanasan sa isla pagsapit ng hatinggabi ng Linggo.
Samantala, ang natitirang bahagi ng lalawigan ng Romblon ay nananatili sa ilalim ng Signal No. 1.
Huling ulat ng PAGASA ay naglokalisa sa mata ng Bagyong Uwan sa layong 380 km silangan ng Virac, Catanduanes, taglay ang 155 km/h na lakas ng hangin at bugsong umaabot sa 190 km/h. Lumalawak ang sirkulasyon nito hanggang 800 km mula sa gitna habang kumikilos pa–kanluran hilagang–kanluran sa bilis na 35 km/h.




































Discussion about this post