Suportado ng ilang opisyal ng Sangguniang Bayan sa lalawigan ng Romblon ang isinusulong na Classroom-Building Acceleration Program (CAP) ni Senator Bam Aquino sa ilalim ng Senate Bill 121, isang panukalang batas na naglalayong mapabilis ang pagtatayo at rehabilitasyon ng mga silid-aralan sa buong bansa.
Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sina Konsehal Kaila Yap ng Odiongan, Konsehal Loijorge Fegalan ng Banton, at Konsehal Miguel Montojo ng Romblon, Romblon.
Sa sponsorship speech ni Yap para sa resolusyong inaprubahan ng kanilang konseho, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga programang tunay na nakatuon sa pangangailangan ng kabataan, kabilang ang pagpapaayos ng mga pasilidad na kanilang ginagamit sa pag-aaral.
Bagama’t ang kanyang talumpati ay nakatuon sa pagsusulong ng inklusibo at makatarungang programa para sa kabataan, malinaw ding ipinunto ni Yap ang kahalagahan ng mga inisyatiba na sumasagot sa pangangailangang pang-edukasyon ng mga kabataan sa Romblon.
“Ang ating buwis ay mula sa taumbayan. Samakatuwid, ang ating mga programa ay dapat para sa lahat ng mamamayan,” sabi ni Yap sa kanyang talumpati, na kanyang inangkop sa usapin ng paglikha ng mas maayos, ligtas at sapat na silid-aralan.
Layon ng Classroom-Building Acceleration Program na tugunan ang kakulangan sa classrooms sa Pilipinas sa pamamagitan ng mas mabilis na proseso ng pagpopondo, pagdisenyo, at konstruksyon. Sakop ng panukalang batas ang pagpapabilis ng pagtatayo ng mga bagong silid-aralan, pag-repair sa mga nasira sa kalamidad, at pagtiyak na may sapat na pasilidad ang mga pampublikong paaralan.
Sa ilalim ng CAP, magkakaroon ng mas malinaw na mekanismo para sa pag-monitor ng mga proyekto, mas mabilis na pag-release ng pondo, at pag-adopt ng modernong construction technologies upang mabawasan ang pagkaantala ng mga school building projects.
Ilan sa mga konsehal na sumuporta ay nagsabing malaking tulong ang CAP sa mga lalawigang tulad ng Romblon, na taon-taong humaharap sa mga bagyo at kalamidad na nagdudulot ng pinsala sa mga paaralan at silid-aralan.



































Discussion about this post