Kumpirmado ng Office of the Municipal Agriculturist ng Romblon, Romblon na African Swine Fever (ASF) ang dahilan ng sunod-sunod na pagkamatay ng mga baboy sa bayan nitong mga nakalipas na linggo.
Sa panayam ng Romblon News Network, sinabi ni Municipal Agriculturist Raymund Juvian Moratin na limang barangay na ang apektado ng ASF, dahilan para higpitan ng ibang barangay ang pagpasok ng karne ng baboy mula sa labas.
Mahigit 100 baboy na ang naitalang namatay at inaasahang madaragdagan pa habang patuloy na pumapasok ang mga ulat sa kanilang tanggapan.
Ayon kay Moratin, may mga baboy nang namamatay bago pa tumama ang bagyong Opong, ngunit hindi agad nai-report ng ilang may-ari sa takot na mapasailalim sa depopulation ang kanilang mga alagang mukhang malusog pa.
Alinsunod sa guidelines ng Department of Agriculture, kinakailangang isailalim sa culling o patayin ang mga baboy na nasa loob ng itinakdang radius ng kumpirmadong kaso ng ASF upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Tiniyak naman ni Moratin na ligtas pa rin ang mga baboy na binebenta sa palengke dahil ang mga ito ay dumadaan sa wastong proseso ng pagkatay sa municipal slaughterhouse.
Patuloy na tumatanggap ng mga ulat ang lokal na pamahalaan mula sa mga barangay at mga mambababoy para sa agarang aksyon. Isinasagawa na rin ang depopulation sa mga babuyan na malapit sa kumpirmadong kaso.
Ang ASF ay isang highly contagious viral disease na nakaaapekto sa mga alagang baboy at wild pigs. Kadalasang nagreresulta sa mataas na mortality rate ang ASF, ngunit hindi ito nakahahawa sa tao.




































Discussion about this post