Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes na pito sa 16 indibidwal na may warrant of arrest kaugnay ng kaso ng katiwalian sa isang flood control project ang naaresto na.
Sa isang video message, sinabi ng Pangulo na isa sa mga akusado ay naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI), habang anim naman ang kusang sumuko sa Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Dalawa pa anya sa mga akusado ang nagpahiwatig na sila ay boluntaryong susuko.
Hinimok ng Pangulo ang natitira pang akusado na sumuko, at binalaan ang sinumang magtatago o magtatangkang ikubli ang mga ito na sila rin ay kakasuhan.
“‘Yung Isa pong nahuli ng NBI natagpuan hindi sa kanyang sariling tahanan, kaya't mananagot din ‘yung mga nagtatago,” ayon sa Punong Ehekutibo.
“Sa mga nagtatangkang tumulong sa pagtatago, tandaan ninyo na kahit papaano mananagot din kayo kung kayo ay nagtatago ng isang fugitive from justice,” ayon sa Pangulo.
“Tuloy-tuloy po ito. Hindi kami titigil. Hindi kami hihinto.”
Muling iginiit ng Pangulo na walang espesyal na pagtrato sa sinumang inaresto at mananatili silang nasa kustodiya ng NBI habang hinihintay ang susunod na utos ng korte.
Nanawagan din si Pangulong Marcos sa iba pang akusado na may standing warrants of arrest—kabilang ang nagbitiw na si Ako Bicol Party-List Rep. Zaldy Co—na sumuko na upang harapin nang maayos ang mga kasong isinampa laban sa kanila.
“Muli, sa tatlong warrant at labing-anim na pangalan, pito na ang hawak ng ating awtoridad, dalawa susuko na. Pito ang mananatiling at large at kasama na diyan si Zaldy Co,” ayon sa Pangulo.
“Sa lahat ng natitirang akusado, ang aking payo sa inyo ay sumuko na kayo. Huwag niyo nang antayin na habul-habulin pa kayo.Mas maganda para sa sitwasyon ninyo na sumuko na kayo para maganda ang inyong pagsagot sa mga alegasyon na dinala kontra sa inyo,” diin pa ng Pangulo.
Noong Biyernes, sinabi ng Pangulo na ipinatutupad na ng mga awtoridad ang arrest warrants laban kina Co at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Sunwest Corporation na kinasuhan ng Ombudsman sa Sandiganbayan dahil sa umano’y graft at malversation of public funds kaugnay ng isang anomalous flood control project sa Oriental Mindoro.
Ang Pangulo mismo ang nagpasimula ng imbestigasyon sa mga iregularidad sa flood control projects noong kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28.
Malaki na ang progreso ng imbestigasyon sa loob ng tatlong buwan mula nang ilunsad ang Sumbong ng Pangulo website noong Agosto 11 at likhain ang Inter-Agency Committee on Infrastructure (ICI) noong Setyembre 11 para imbestigahan ang mga kaso ng korapsyon sa flood control at iba pang proyekto ng pamahalaan sa nakalipas na 10 taon. | PND




































Discussion about this post