Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na mag-ingat at magsagawa ng mga hakbang para makaiwas sa mga sakit na karaniwang tumataas tuwing tag-ulan, lalo na sa mga mag-aaral na muling papasok sa eskwela ngayong Hunyo.
Ayon kay Dr. Ramon Bombais, Provincial Officer ng DOH sa Oriental Mindoro, sumasabay ang pagbubukas ng klase sa panahon ng pagdami ng mga kaso ng dengue at diarrhea, mga sakit na pawang karaniwang naitatala tuwing maulan.
Sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA) Oriental Mindoro, sinabi ni Bombais na ang pagkababad sa tubig-baha, maruming kapaligiran, at hindi ligtas na inuming tubig ang pangunahing sanhi ng pagdami ng mga kasong ito.
“Panatilihing malinis ang ating kapaligiran, tiyakin na ligtas ang iniinom na tubig, at huwag hayaang may nakatenggang tubig sa paligid na puwedeng pamugaran ng lamok,” ani Bombais.
Batay sa datos ng Provincial Health Office (PHO), mayroong 1,173 na kaso ng dengue at pito (7) ang nasawi sa Oriental Mindoro mula Enero hanggang Hunyo noong nakaraang taon. Karamihan sa mga kasong ito ay mula sa mga bayan na malalakas ang ulan at madalas bahain.
Ipinaliwanag ni Bombais na ang dengue ay nakukuha mula sa Aedes mosquito na nangingitlog sa mga lugar na may stagnant water gaya ng mga lumang gulong, balde, at baradong alulod. Kaya’t pinaalalahanan niya ang mga tahanan at paaralan na linisin ang paligid at itapon ang anumang bagay na maaaring pamugaran ng lamok.
Nagbabala rin si Bombais ukol sa diarrhea na maaaring makuha sa maruming pagkain, hindi ligtas na inumin, at hindi tamang paghuhugas ng kamay.
“Laging pakuluan ang iniinom na tubig kung hindi sigurado sa pinagmulan nito. Ugaliin din ang paghuhugas ng kamay lalo na bago kumain,” dagdag pa niya.
Sa nalalapit na pagbabalik ng mga estudyante sa mga paaralan, hinikayat ng DOH ang mga paaralan na tiyakin ang pagkakaroon ng malinis na inuming tubig, maayos na handwashing facilities, at mga impormasyon ukol sa wastong kalinisan at kalusugan.
Pinayuhan din ang mga school officials na agad i-report sa kanilang lokal na health offices kung may mga mag-aaral o guro na nagpapakita ng mga sintomas ng sakit.
Hinikayat naman ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak at agad na magpakonsulta sa health centers kung makikitaan ng mga sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng ulo, pagsusuka, pagkahilo, o pagtatae.
Tiniyak ng DOH na patuloy ang kanilang koordinasyon sa Department of Education (DepEd) at mga lokal na pamahalaan upang palakasin ang mga kampanyang pangkalusugan at matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa buong panahon ng tag-ulan.