Umabot na sa 78,841 ang pinagkalooban ng sertipikasyon sa mga nagtapos ng Theoretical Driving Course (TDC) sa buong rehiyon ng MIMAROPA simula 2022 hanggang Mayo 31, 2024.
Sa ginanap na Kapihan sa Bagong Pilipinas sa Calapan City noong Hunyo 4, sinabi ni Land Transportation Office (LTO) Mimaropa Regional Director Eduardo De Guzman na ang mga kawani ng LTO mismo ang pumupunta sa mga munisipalidad at mga nasa malalayong lugar sa bayan upang kanilang isagawa ang seminar.
Dagdag pa niya na pagkatapos ng seminar ng mga kalahok ay dadaan ang mga ito sa assessment at pagsusulit upang malaman kung ang mga nakilahok ay mayroong natutunan kaugnay sa mga batas ng transportasyong panlupa at regulasyon bago kumuha ng student permit o mga mag a-aplay ng lisensiya sa pagmamaneho.
Naitala ng LTO noong taong 2022 na ang mga kumuha ng TDC sa buong rehiyon ay 6,141; taong 2023 ay 36,334; at mula Enero ngayong taon hanggang katapusan ng Mayo ay nasa 36,366.
Samantala, naging panauhin din sa isinagawang Kapihan sa Bagong Pilipinas sina Atty. Paul Vincent Austria na OIC Regional Director ng Land Transportation and Franchising and Regulatory Board, Capt. Airland Lapitan ng Philippine Coast Guard Station-Oriental Mindoro at Port Manager Elvis Medalla ng Philippine Ports Authority-Port Management Office (PPA-PMO) Oriental Mindoro.