Plano ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA na magtayo ng permanenteng Kadiwa Centers sa bawat munisipyo at lungsod sa rehiyon ng MIMAROPA, ayon sa DA-Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS).
Sinabi ng tagapamahala ng AMAS na si Randy Pernia na ang mga nasabing Kadiwa Centers ay magbibigay sa mga mamimili ng mas malapit na access sa mura at sariwang gulay, prutas at iba pang agricultural products.
“Sa Kadiwa [Centers], inaalis natin ang mga traders upang direktang makapagbenta ng kanilang ani ang mga magsasaka. Sa pamamagitan din ng sistemang ito, mailalako ang mga produkto ng mga magsasaka sa mas mababang presyo,” saad ni Pernia.
Sa ginanap na Kapihan sa Bagong Pilipinas kamakailan sa lungsod ng Calapan ay ipinaliwanag ni Pernia na mahalaga ang pagtukoy ng isang maayos na samahan o kooperatiba ng mga magsasaka sa lugar na pagtatayuan ng isang Kadiwa Center.
Ayon kay Pernia, ipinagkaloob ng DA sa kooperatiba ang operasyon nito at kailangang may sapat na kakayahan ang samahan na maglagay ng produkto sa Kadiwa outlet araw-araw.
“Kailangan ang mga asosasyon ng magsasaka ay accredited ng gobyerno upang matiyak ang suporta mula sa pamahalaan,” sabi ni Pernia.
Dagdag pa ni Pernia, simula ngayong taon ay pitong permanenteng Kadiwa Centers ang bubuksan ng ahensya, “target nating makapagtayo ng Kadiwa [Center] sa Mamburao sa Occidental Mindoro; sa lungsod ng Calapan; at bayan ng Puerto Galera sa Oriental Mindoro; gayundin, sa mga munisipyo ng Quezon, El Nido at Narra sa lalawigan ng Palawan at San Agustin sa Romblon.” (VND/PIA MIMAROPA-Occidental Mindoro)