Naging pangunahing paksa ang kalusugan ng mga kabataan lalo na ang teenage pregnancy sa ginanap na Adolescent Health and Well-Being Forum sa Esteban Madrona National High School sa San Agustin, Romblon kamakailan.
Pinangunahan ang aktibidad ng MIMAROPA Center for Health Development – Adolescent Health and Development Program katuwang ang Provincial Health Office ng Romblon, Rural Health Unit at Municipal Health Office ng San Agustin.
Ayon sa ulat ng Provincial Department of Health Office Romblon, ang aktibidad ay isinagawa upang bigyang prayoridad ang kalusugan at kapakanan ng mga kabataan sa probinsya.
Sa nasabing programa ay pinaliwanagan ni Ken Reyenelou Remollo, AHDP Program Manager, ang mga kabataan kung gaano kahalaga ang pag-iwas sa maagang pagbubuntis lalo na sa mga estudyante.
Maliban dito ay nagkaroon rin ng talakayan patungkol sa mental health, nutrisyon, Adolescent Sexual and Reproductive Health, kahalagahan ng bakuna sa human papillomavirus, at pagkakaroon ng self-esteem.
Ayon pa sa ulat ng PDOHO Romblon, unang batch pa lamang ito at magsasagawa pa sila ng parehong aktibidad sa iba pang paaralan sa lalawigan.