Manipis na ang supply ng tubig sa bayan ng Odiongan ayon sa lokal na pamahalaan nitong Linggo.Manipis na ang supply ng tubig sa bayan ng Odiongan ayon sa lokal na pamahalaan nitong Linggo.
Sinabi ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic na nakipagpulong ito sa Odiongan Water District at iba pang stakeholders para alamin ang estado ng water supply sa bayan at lumalabas sa pagpupulong na halos 1/3 nalang ng supply ng tubig ang kayang i-supply ng reservoir kumpara sa dati.
Ang pagbaba ng supply ng tubig ay epekto ng El Niño na nararanasan ng bansa.
Dalawang linggo na rin umanong nagrarasyon ng tubig ang LGU Odiongan sa tulong ng Odiongan Fire Station sa 11 Sitio sa bayan na kapos na talaga sa tubig.
“What I want to note ay may tinitingnan nang second source ang ating Odiongan Water District at ito ay sa Barangay Rizal parin. In the next two weeks, maglalagay sila ng pipe system papunta sa kalsada para maging source ng pagrarasyon ng tubig,” ayon sa Facebook Live ng alkalde.
Kalaunan umano ay idedevelop ang bagong source para mapalakas ang tubig na nakakarating sa sentro ng bayan.
Panawagan naman ng alkalde sa publiko ay maging wais sa paggamit ng tubig.
“Ang request ko lang po sa ating mga kababayan ay tayo po ay magtipid tayo ng tubig. Maging wise tayo sa paggamit ng tubig,” panawagan ng alkalde.
“Inaasahan namin na hanggang katapusan ng Mayo ang sitwasyon na ito ng El Niño kaya kailangan namin ang pakikiisa ng lahat para po dito,” dadgag pa nito.