May mahigit 15,000 na residente ng bayan ng Magdiwang, Romblon ang makikinabang ng lubos sa itinayo sa lugar na bagong Super Health Center mg Department of Health (DOH).
Pormal nang isinagawa ang inauguration ng bagong gusali sa bayan na personal na dinaluhan ni Senator Bong Go at mga opisyales ng Magdiwang noong Araw ng Kagitingan, April 9.
Ang isang palapag na gusaling ito ay inaasahang maghahatid sa mga residente ng Magdiwang ng de-kalidad na serbisyong medikal mula sa gobyerno lalo pa at walang district hospital sa nasabing bayan.
Isa ang Magdiwang sa limang bayan sa probinsya ng Romblon na unang napatayuan ng DOH ng Super Health Center.
Ang isang Super Health Center ay parang semi-hospital na di hamak na mas malaki sa Rural Health Unit at maglalaman ng iba’t ibang pasilidad kagaya ng birthing facility, isolation room, pharmacy, at iba pa. Puwede rin itong lagyan ng laboratory testing facility, X-ray, ultrasound at dialysis units.
Sa pahayag ni Senator Go sa ginanap na inauguration ceremony, sinabi nitong magagamit sa Super Health Center ang Konsulta program ng Philhealth o ang “Konsultasyong Sulit Tama” na naglalayong malibre ang outpatient services para sa lahat ng Pilipino.