Tahimik ang naging paggunita ngayong taon ng Semana Santa sa mga lalawigan sa rehiyon ng Mimaropa base sa ulat ni PNP Regional Director Brigadier General Roger Quesada.
Aniya, sa datus nila ay walang naitalang mga insidente na may kinalaman sa Semana Santa sa mga lalawigan ng Romblon, Palawan, Marinduque, Oriental Mindoro at Occidental Mindoro.
“I commend the men and women of PRO MIMAROPA in this accomplishment. Our intensified collaboration with the local government units and community has greatly contributed to the overall peace and security of the region,” pahayag sa English ni Quesada.
Dagdag nito, magpapatuloy ang siguridad ng mga kapulisan kahit tapos na ang Semana Santa bilang paghahanda naman sa summer vacation.
May 2,000 umanong pulis sila na ipapakalat sa mga vital areas sa rehiyon kagaya ng tourist spots, terminals, pantalan, at mga paliparan.
Nanawagan naman si Quesada sa publiko na lalo na sa mga motorista na ituloy ang pagiging maingat at pagsunot sa mga traffic laws at speed limits para iwas aksidente.
““Pinaaalalahanan po namin ang lahat na mag-ingat at maging alerto, higit lalo po ang ating mga motorista. Magkaroon po tayo ng mahabang pasensya at maigting na pag-iingat habang tayo ay naglalakbay upang maiwasan ang hindi inaasahang pangyayari sa daan,” pahayag nito.