Ginagawan na ng paraan ng pamunuan ng Odiongan District Jail (ODJ) na nasailalim ng Bureau of Jail Management and Penology ang epekto ng El Niño sa kanilang piitan.
Ramdam na kasi sa lugar ang kakapusan ng tubig dahil sa sobrang init ng panahon. Ayon kay JO2 Shaira Lyn Familara, unit nurse ng ODJ, maliit na ang tubig na nakukuha nila gamit ang kanilang waterpump mula sa source dahilan para gumawa na ng hakbang ang kanilang pamunuan.
“Problema po talaga sa Jail ngayon ay ‘yung tubig kasi hindi talaga umuulan. ‘Yung distribution ng tubig sa aming [mga selda] ay mahirap halimbawa ngayong araw ay selda 1-2-3 ang mahahatiran ng tubig, bukas ay ‘yung 4-5-6 nanaman,” ayon kay JO2 Shaira Lyn Familara, unit nurse ng ODJ.
“May mga nakakausap na kami sa kanila na hindi araw-araw naliligo para lang magkasya ang tubig na rasyon sa kanila,” kwento ni JO2 Familara.
Humingi na sila ng tulong sa Bureau of Fire Protection para mag rasyon ng tubig. May ilan na rin umanong pribadong indibidwal na may water tanker ang tumutulong sa kanila ngunit sa kabila nito ay kapos parin sa tubig ang pasilidad.
Para makatipid, pinayuhan na ng ODJ ang 104 katao na nakapiit sa kanila na magtipid muna tuwing gagamit ng tubig.
Bagama’t may problema sa tubig, sinabi ni JO2 Familara na wala pa naman umano silang nakikitang nagkakaroon ng mga sakit maliban sa tinatamaan ng mga rushes na madalas ay normal na nararanasan umano tuwing tag-init.
Nakipag-ugnayan na umano ang pamunuan ng ODJ sa pamahalaang panlalawigan para sa nasabing problema. Nananawagan naman si Familara sa publiko at sa mga opisyal ng gobyerno na kung gusto tumulong sa problema ng ODJ pagdating sa tubig ay bukas ang kanilang opisina para dito.