Hinihikayat ng Rural Health Unit ng Odiongan ang publiko na magpabakuna sa mga health centers ngayong may pagtaas ng kaso ng pertussis at tigdas sa labas ng probinsya.
Sa panayam ng Mata ng Bayan Online kay Dr. Gaudencio Formadero, Municipal Health Officer ng Odiongan, sinabi nito na ang pagbabakuna ang pangunahing preventive measure para sa mga nabanggit na sakit na pawang puwedeng makamatay kung papabayaan.
Sinabi pa ni Formadero na ang pertussis, o ang whooping cough ay higit na mas mapanganib sa mga sanggol kaya hinihikayat nito ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.
“Magpabakuna, hindi naman ito bago katulad ng Covid-19 kaya huwag kayo matakot dahil subok na ang mga iyan. Hinihikayat ko itong mga Nanay na pabakunahan nila itong mga anak nila lalo na ngayong may banta ng tigdas at pertussis,” pahayag nito.
Aniya, ang mga bakuna kontra pertussis at tigdas ay laging available sa mga health centers dahil taon-taon ay nagsasagawa ng vaccination drive ang pamahalaan para maiturok ang mga ito.
Dahil ang sakit na ito ay kumakalat sa pamamagitan ng malalaking respiratory droplets mula sa pag-ubo o pagbahing, sinabi ni Formadero na maigi rin umanong sundin ang mga ginagawang precautionary measures noon kontra Covid-19 kagaya ng social distancing sa mga may ubo, pagtakip ng bibig kung uubo, at ang pagsusuot ng face masks.
Sa datus ng Department of Health, wala pa namang naitatalang kaso ng pertussis sa probinsya ng Romblon ngayong 2024.