Sa unang pagkatataon ay nakausap ng mga mamahayag si Congressman Eleandro Madrona kaugnay sa desisyon ng Sandiganbayan na nagpapawalang sala sa kanya kaugnay sa kasong isinampa laban sa kanya dahil sa mga abunong binili ng pamahalaang panlalawigan noong panahon niya bilang gobernador ng probinsya ng Romblon.
Sa Kapihan sa PIA Romblon, sinabi ni Madrona na makakapagsalita na siya ngayon kaugnay sa kaso dahil may desisyon na ang korte kaugnay nito.
“Finally, ngayon nagsasalita na ako because tapos na and I have to explain na all this time I cannot talk because of that [court] policy,” ayon kay Madrona.
Paliwanag nito, alam niya sa sarili niya noon pa na wala siyang kasalanan at walang ninakaw para makasuhan kaugnay sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
“Napansin niyo ba na hindi naman ako nagbago [kahit may kaso]? Even on my public ano, Wala, I don’t mind it really,” sabi nito sa mga mamahayag.
Nag-ugat ang kaso sa pagbili ng Romblon provincial government ng Bio Nature liquid organic fertilizer sa halagang P1,500 kada bote na may kabuuang halaga na P4.86 milyon nang hindi dumadaan sa public bidding kundi ginamit ang direct contracting method.
Sa pagpapawalang-sala kay Madrona, sinabi ng Sandiganbayan na hindi nagtagumpay ang prosecution sa pagpapatunay na ang mambabatas ay nagbigay ng “unwarranted preference” sa kompanyang Feshan.