Inihayag ng Philippine Coast Guard na nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa naging dahilan nang pagsadsad ng barkong MV SWM Salve Regina ng Starlite Ferries Inc. sa mababaw na bahagi ng dagat ng Barangay Capaclan, Romblon.
Sinabi sa isang pahayag ng PCG Romblon na walang nakitang oil spillage at wala ring naapektuhan na marine sanctuary sa lugar.
Ayon sa mga sakay ng barko, malapit na sila sa pantalan nang mangyari ang aksidente.
Galing ang barko sa Magdiwang, Romblon at patungo sanang Romblon, Romblno sakay ang 168 na pasahero, 21 rolling cargoes at 55 na crew nang maaksidente kagabi.
Samantala, pinuri ni PCG Admiral Ronnie Gil Gavan ang mga PCG Romblon dahil nasiguro nitong ligtas ang lahat ng sakay ng barko.
Pinangunahan ng PCG Romblon ang isinagawang rescue operation para maibaba ang mga sakay ng barko kaninang madaling araw.