Sa pagdiriwang ng Women’s Month ngayong buwan ng Marso, hinihikayat ng Odiongan Municipal Police Station (MPS) ang mga kababaihan na magsumbong sa kanilang opisina kung sakaling sila ay kabilang sa mga kababaihang nakakaranas ng pang-aabuso at karahasan mula sa kanilang mga partner.
Sa ginanap na PIA Barangay Forum sa Barangay Liwanag kamakailan, sinabi ni Police Senior Master Sergeant Zeeryl Formilleza, hepe ng Women and Children Protection Desk ng Odiongan MPS, na pinoprotektahan ng Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 o ng RA 9262 ang mga kababaihang nakakaranas ng ganitong pananakit.
Paliwanag ni Formilleza, ang VAWC ay isang pampublikong krimen kaya maliban sa biktimang babae, maari ring magsampa ng kaso laban sa lalaki ang kamag-anak ng babae, barangay offiicial, social worker o kahit sinong concerned citizens.
Nitong nakaraang mga taon, meron na rin umanong mga kababaihan ang lumapit sa mga kapulisan sa Odiongan para isumbong at kasuhan ang kanilang partner na mapanakit.
Maliban sa pagiging manapakit pisikal, ang mga partner na may pang-aabuso sa sekswal, pinansyal, at sikolohikal ay maari ring makasuhan ng VAWC.
Bagama’t aminado ang mga kapulisan na may mga kasong nag-aaregluhan na lamang at hindi na umaabot sa korte, sinisiguro umano nila na nasa likod lang ang mga kapulisan ng mga babae na kailangan nila ng tulong.
Damay din sa pinoprotectahan ng batas ang mga anak.
“Sama-sama po nating pagtulungan to break the silence of violence sa ating pamayanan dahil naniniwala tayo na kung matutulungan natin ang mga kababihan laban sa pangaabuso, magiging matatag ang ilaw ng tahanan sa ating pamamahay,” ayon kay Formilleza.
Hiling din ni Formilleza sa publiko na sama-samang ipagpugay ang mga karapatan ng mga kababaihan hindi lamang tuwing Women’s Month kundi sa araw-araw na may nakakasalamuha silang babae.
Maliban sa police station, sinabi ni Formilleza na bawat barangay hall sa buong bayan ng Odiongan ay merong VAWC desk kung puwedeng lapitan ng mga kababaihang kailangan ng tulong.