Inaayos na ng Department of Interior and Local Government ang mga dapat gawin para maisagawa ang special election sa dalawang barangay sa bayan ng Banton, Romblon matapos walang tumakbo ditong kabataan noong nakaraang Sangguniang Kabataan (SK) Elections.
Sa Kapihan sa PIA Romblon noong February 02, ibinahagi ni Christine Mayette Latoja, Program Manager ng DILG Romblon, na walang tumakbo noong SK elections sa mga barangay ng Togong at Libtong
Dagdag ni Latoja, inaasikaso na nila ang facilitation ng mga nagbabalak tumakbo para makasagawa ng special election sa lugar sa lalong madaling panahon.
Paliwanag ni DILG Provincial Director Drederick Gumabol, madaming kabataan ng bayan ng Banton ang hindi nananatili sa isla dahil kinakailangan nilang pumunta sa Tablas, Batangas o di kaya ay Lucena para mag-aral.
Ito umano ang dahilan kung bakit walang nagbalak tumakbo noong nakaraang eleksyon sa dalawang barangay.