Sa ika-4 na taon, inang kalikasan muli ang naging kasama ng mga kawani at mga estudyante ng Romblon State University nitong nagdaang Valentine’s Day sa kabila nang masamang panahon.
February 14 kasi ang panahon para sa taunang Tipanan sa Inang Kalikasan na inilunsad ni RSU President Merian Catajay-Mani nang ito ay maupo sa pwesto.
Ngayong 2024, ginanap ang programa sa RSU Extramural Campus sa Agpudlos, San Andres, Romblon na dinaluhan naman ng mga matataas na opisyal ng pamantasan, mga estudyante, mga opisyal ng iba’t ibang National Government Agency, at iba pang mga volunteers.
Nagkaroon ngayong taon ng tree planting activity at coastal clean-up drive malapit sa Extramural Campus.
Sa panayam kay Mani ng RSU Media & Public Affairs, nabanggit ng pangulo ng pamantasan na nararapat lang na alagaan ng tao ang kalikasang tao rin ang nagiging dahilan ng pagkasira.
“Iisa lang ang ating buhay, minsan lang tayo mabubuhay sa mundong ibabaw at nakita po natin na ang ating inang kalikasan ay nag-iisang tahanan natin at tagapagkalinga. Sapat lamang po na kalingain ndin atin siya,” ayon sa pangulo.
Kasabay ng aktibidad ay nanumpa rin ang mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyon at national gov’t agency bilang mga bagong environmental advocates.