Nagpapatuloy ang ginagawa ng lokal na pamahalaan na pagpapaganda at pagsasaayos sa lahat ng tourist attraction sa bayan ng Corcuera, Romblon sa tulong ng pamahalaang panlalawigan at ng mga proyekto mula sa mga national government agencies.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong Biyernes, February 2, ibinahagi ni Corcuera Vice Mayor Apple Fondevilla na malaki na ang pinagbago ng bayan ng Corcuera pagdating sa accommodations, restaurants, at tourism sites kumpara noong nakaraang mga taon.
Aniya, nagtatayo at nagsasaayos ang lokal na pamahalaang ng mga tourism sites na tiyak na dadayuhin ng mga turista sa bayan kagaya nang pagtatayo ng Panorama View Deck, at ang pagsasaayos ng Parola sa Barangay San Roque.
Ibinahagi rin ng bise alkalde na patuloy ang pagpapalapad ng mga kalsada sa kanilang isla para mas madaling maabot ang mga tourism sites maging ang mga liblib na barangay sa isla. Ngayon taon umano, may pondong inilaan ang Department of Tourism sa isla para sa pagsasaayos ng mga kalsada na patungo sa mga tourism sites.
Kasunod ito nang panukala ni Congressman Eleandro Madrona na ideklarang tourism site ang ilang tourist attraction sa isla kagaya ng Ruins of Cotta de San Jose, Suba Cove, Colong-Colong Beach, Payayasog Beach, at ang Siki ng Elepante Rock Formation.
Bagama’t may mga panahong walang dumarayong turista sa isla dahil sa pahirapang biyahe sa mga bangka at barko dahil sa masamang panhon, sinabi ni Fondevilla, na ginagawan na nila ito ng paraan para manatiling buhay ang lokal na turismo dito.
Inaanyayahan ni Fondevilla ang publiko na bisitahin ang kanilang isla lalo na sa darating na Abril kung saan ipagdiriwang nila ang kanilang Fiesta de las Cabras.