Binuksan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang voter’s registration para sa nakatakdang National and Local Elections sa May 12, 2025.
Sa Calapan City, nkabukas ang bagong tanggapan nito sa unang palapag ng Central Command Center, Barangay Calero, Calapan City.
Ayon kay Comelec officer Suminigay Mirindato, bukas sila sa mga magpaparehistro na may edad labingwalong taong gulang pataas. Maaari aniyang magproseso ng paglipat ng rehistro, reaktibasyon, pagpapalit o pagtatama ng pangalan at pag update ng datos ng mga nasa vulnerable sectors tulad ng mga taong may kapansanan o PWDs, senior citizens, indigenous peoples pati na rin ang mga nasa bilangguan.
Kailangan aniyang dalhin ang orihinal at photocopy ng mga sumusunod na requirements:
Certificate ng kapanganakan o kasal, national identification (ID) card o Philippine identification system (PhilSys), postal ID, PWD o Senior Citizen ID, pagkakakilanlan ng estudyante o library card na may lagda ng awtorisadong kawani ng paaralan, lisensya sa pagmamaneho o student permit, NBI clearance, pasaporte, SSS/GSIS/UMID ID, PRC license, at sertipikasyon ng barangay na may larawan. Para naman sa mga katutubo ay kailangan ang sertipikasyon ng pagkumpirma mula sa National Commission on Indigenous Peoples.
Maaari ring kumuha ng application form sa pamamagitan ng pagdownload sa website ng Comelec: www.comelec.ph.
Paalala naman ni Mirindato sa mga overseas voters na nais magpalipat ng rehistro mula sa foreign service post sa local Philippine city/municipality/distrito ay maaaring idownload ang form at ifill-out at magpa-print ng isang kopya.
Ang Comelec ay bukas mula 8AM hanggang 5PM, Lunes hanggang Biyernes at magkakaroon din ng mga satelite registrations tuwing araw ng Sabado at mga pyesta opisyal (maliban sa Marso 28, 29 at 30) at magtatapos sa Setyembre 30, 2024. (DN/PIA MIMAROPA)