Magbubukas ng bagong daanan o “public beach access” patungo sa sikat na Bonbon Beach sa bayan ng Romblon, Romblon ang publiko sa susunod na mga buwan.
Ito ang siniguro ni Romblon Mayor Gerard Montojo sa publiko kasunod nang insidenteng nangyari sa pasyalan kung saan isang grupo ng turista na tumungo sana ng Bonbon Beach para saksihan ang sunset ngunit hindi sila pinayagan dahil sarado na entrance papasok sa pasyalan.
Sa isang pahayag, sinabi ng alkalde na pinondohan na ng pamahalaang lokal ang paggawa ng bagong daan patungo sa Bonbon Beach at sa Pauwahan Beach.
Binahagi ng alkalde na 2023 pa may ordinansa sa kanilang bayan ukol sa pagkakaroon ng public beach access sa kanilang bayan.
“Sa katunayan, ang pagpapatupad ng batas na ito ay i-minamadali na ng Office of the Mayor kasama ng mga naatasang departamento ng ating Local na Pamahalaan upang matuldukan na ang mga isyu at muling matamasa at masulit ng mga Romblomanon at mga turista ang kagandahan ng Bonbon Beach. Ngunit, bago paman ganap na maipatupad ang ordinansang ito ngayong 2024, nagkaroon nanaman ng panibagong insidente sa nasabing beach na kumalat sa socia media,” bahagi ng pahayag ng alkalde.
Dagdag ng alkalde, “Sa harap ng mga kamakailang isyu sa Bonbon Beach, nais naming tiyakin sa inyo na naninindigan tayong nagkakaisa na tugunan ang mga mahahalagang isyung ito. Ang inyong mga boses ay narinig, at kami ay kasama ninyo sa ating determinasyon na pangalagaan ang pangalan, natural na kagandahan at ekolohikal na integridad ng Bonbon Beach, sapagkat ito ay nasisilbing banner destination ng ating Munisipyo.”
Sa kabila ng insidente, hinikayat ng alkalde ang publiko na magkaisa parin para sa pagpapayabong ng kagandahan at kasaganahan ng lugar upang mas makilala ang bayan sa larangan ng turismo.
Basahin ang buong pahayag dito: