May magagamit nang tubig ang mga katutubo sa Sito Sugod, Brgy. Pinamihagan, San Jose, Romblon matapos silang pagkalooban ng Department of Science and Technology (DOST) – Mimaropa ng solar-powered na domestic water generation facility.
Ang nasabing proyekto ay sagot sa kakulangan ng water supply sa nasabing indigenous people (IP) community sa lugar.
Ayon sa DOST, ang pasilidad ay itinayo sa pakikipagtulungan ng DOST Mimaropa sa lokal na pamahalaan ng San Jose.
Ang pasilidad ay mayroong water pumping station na pinagagana ng solar energy, meron din itong deep well mula sa isang sitio at hinihigop papunta sa 12,000-liter capacity storage tanks na nakalagay malapit sa IP community.
Mula sa mga tangke, dadaan ang mga tubig sa mga tubo papunta naman sa mga bahay na mismo ng mga residente.
Sinabi ng DOST Romblon sa isang pahayag na ang interbensyon ay lubos na nakakatulong para pagaanin ang trabaho ng mga IPs dahil hindi na nila kailangang maglakad ng malayo para lamang mag-igib ng tubig.
“This improvement not only enhances their quality of life but also increases their productivity by allowing them to allocate time to more economically productive activities,” ayon sa DOST Romblon.
Sinabi rin nila na ang pagkakaroon ng reliable source ng tubig ay makakapagbigay ng pagkakataon sa mga IP na magkaroon ng backyard garden at makapag-alaga ng mga hayop.
Ang ceremonial turnover ay dinaluhan ng mga kawani ng DOST Romblon at ng LGU San Jose sa pangunguna ni Mayor Egdon Sombilon.
Sa isang pahayag, sinabi ng San Jose Public Information Office na taos-puso silang nagpapasalamat sa DOST sa nasabing proyekto at sa sa tuloy-tuloy na pagbibigay ng mga programa para sa kanilang isla.