Ramdam na ng mga residente ng bayan ng Looc, Romblon ang epekto ng El Niño sa kanilang lugar dahil nitong nakaraang mga araw ay nararamdaman nila ang kakulangan ng supply ng tubig na lumalabas sa kanilan mga gripo.
Sa programang Mata Ng Bayan Online sa Romblon News Network, inamin ni Looc Mayor Lisette Arboleda na hindi kaila sa kanialng bayan na hirap sila sa ngayon pagdating sa supply ng tubig.
Bagama’t may tatlong water impounding station, pero hindi umano ito napupuno ng tubig para supplyan ang may 1,700 na kabahayang nakakonekta sa kanilang mga tubo.
Hinalimbawa ng alkalde ang reservoir sa Barangay Punta na may kapasidad na 144 cubic meter ngunit ngayon ay hanggang 30 cubic meter na lamang umano ang laman nito.
“Pag gabi po, medyo nakakapag-ipon ng tubig at kahit papaano ay nag-nonormalize ang supply kasi hindi ganun kadami ang gumagamit. Kapag wala pong El Niño, hindi naman po talaga ito nagiging problema,” paliwanag ng alkalde.
Bilang tugon, mahigit isang buwan na umanong nagrarasyon ng tubig ang mga firetrucks at water containers ng local government unit (LGU) sa mga barangay na kinakapos talaga umano sa tubig.
Maliban dito, balak din umanong magsagawa ng paghuhukay ng source ng tubig ang LGU sa Barangay Punta, at Barangay Poblacion
“By next week, we will start na mag-drill na for deep well para mabawasan na ‘yung water rationing na requirement at mas madali nang ma-access ng mga kababayan natin,” ayon sa alkalde.
Base sa pinakahuling advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaugnay sa El Niño, hindi pa dry condition, o dry spell, at drought ang buong lalawigan ng Romblon bagkus nagpalabas lamang sila ng advisory na posibleng makaramdam ng mas malamig na hangin ang probinsya.