Personal na ginawaran si Senator Bong Go ng “Plaque of Appreciation” ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Corcuera, Romblon bilang pagkilala sa mga mahahalagang kontribusyon niya sa mga komunidad ng naturang munisipalidad.
Si Senator Kuya Bong Go ay adopted son ng lalawigan ng Romblon.
Mismong sina Mayor Elmer Fruelda at Aubrey Fondevilla ang naghatid ng plake kay Senator Bong Go noong January 29. Ipinarating din nila sa senador ang lubos na pasasalamat ng mga taga-Corcuera.
“Isang malaking karangalan para sa akin na tanggapin ang pagkilalang ito mula sa inyong magandang bayan. Lubos ang aking pasasalamat sa inyong walang sawang suporta at tiwala na ipinagkaloob ninyo sa akin,” ayon kay Senator Kuya Bong Go.
Dagdag pa niya, ang pagkilala ng mga taga-Corcuera sa kanyang pagseserbisyo sa lahat ng Pilipino—lalo na ang mga mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan—ay nagbibigay sa kanya ng dagdag na inspirasyon at lakas upang lalo pang pag-ibayuhin ang kanyang serbisyo sa bayan.
Ayon pa kay Senator Kuya Bong Go, may recognition man o wala, patuloy siyang magseserbisyo at tutulong sa abot ng kanyang makakaya.