May panggastos na sa pangangailangan sa kanilang pag-aaral ang may 121 na estudyante ng Romblon State University matapos silang makatanggap ng educational cash assistance mula sa programa ng Commission on Higher Education o CHED.
Layunin ng Student Monetary Assistance for Recovery and Transition o SMART program ng CHED na mabigyan ang kahit sinong estudyante na nag-aaral ng undergraduate program sa pamantasan ng one-time fixed grant.
Tumanggap nitong February 23 ang mga estudyante ng P25,000 kada isa o may kabuoang aabot sa P3,025,000.
Pinangunahan ni RSU President Dr. Merian Catajay-Mani ang pamamahagi ng ayuda kasama sina Congressman Eleandro Jesus Madrona, at sina Merigen Sarreal Cafino at Abegail Limjuco ng CHED, na ginanap sa RSU Audio-visual Room sa Odiongan, Romblon.
Sa isang pahayag, nagpasalamat ang pamantasan kay Congressman Madrona at CHED Chair Popoy De Vera para sa tulong na naibigay sa mga estudyante ng RSU.