Inaresto ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station nitong madaling araw ng Miyerkules ang dalawang lalaking naiulat na nagbabasag di umano ng bote sa Firmalo Boulevard sa Barangay Tabing-Dagat.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Jeremy Fajutina, 22; at Carlo Marin, 18, mga hindi residente ng bayan ng Odiongan.
Ayon sa police report mula sa Odiongan Municipal Police Station, nakatanggap sila ng ulat na di umano ay may grupo na nagbabasag ng bote sa Firmalo Boulevard dahilan para magsagawa sila ng patrolya sa lugar.
Dito nila naabutan ang grupo. Sinubukan nilang habulin ang mga ito dahilan upang maabutan ang dalawang suspek.
Batay sa police report, nakuhaan ng dalawang tactical knife ang dalawa, na itinuturing ng kapulisan na isang ‘deadly weapon’.
Inaresto ang mga ito at dinala sa istasyon ng pulisya.
Inihahanda ng kapulisan ang kasong paglabag Batas Pambansa Bilang 6 laban sa dalawang suspek o ang Illegal Possession of Bladed Pointed or Blunt Weapons.