Ngayong araw ay ginugunita ng mga taga-Sibuyan, Romblon ang ika-isang taong pagkakatatag ng binuo nilang barikada kontra mina sa Sitio Bato sa Barangay España, San Fernando, Romblon.
Maalalang noong nakaraang taon ay nagtipon ang mga residente ng Sibuyan sa lugar para harangin ang pag-usad ng mga truck ng Altai Philippines Mining Corporation papasok sa ginawa nilang pantalan sa lugar.
Kasunod ito ng pag angkorahe ng barko at mga barge ng Altai Philippines Mining Corporation na may lulan na mga Chinese and Filipino crew members para sana maghakot ng 50,000 metric tons ng nickel ore mula sa Sibuyan patungong ibang bansa.
Gamit ang mga trapal, gumawa ng kampo ang mga residente ng isla dito na naging hudyat ng buong araw at magdamagang pagbabantay nila sa lugar.
Sa isang pahayag ng TIKOP Eco-Freedom Park, ang lugar ay mananatili hanggang sa maililigtas ang isla ng Sibuyan sa mga minero at mga magtatangkang sirain ang isla.
Kaugnay sa pag-alala nito, magkakaroon ng mga programa sa TIKOP Eco-Freedom Park ang mga anti-mining advocates bilang pagalala sa mga nangyari noong nakaraang taon.