Tuloy-tuloy ang ginagawang pagtulong ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka sa lalawigan ng Romblon para mapalago ang kanilang produksyon lalo na pagdating sa mga gulay.
Kamakailan ay aabot sa 7 farmers association, na may 10,000 sqm na sakahan bawat isa, ang nakatanggap ng livelihood assistance mula sa DA sa pamamagitan ng Vegetable Production Project ng DA – Special Area for Agricultural Development para sa pagpapalago ng kanilang mga gulayan.
Aabot sa mahigit P2.7M ang kabuoang halaga ng mga kagamitang natanggap ng mga asosasyon na nagmula sa mga bayan ng Alcantara, Ferrol, San Jose, Santa Maria, Calatrava, at San Andres.
Sa isang panayam, pinasalamatan ni Adelaida Martinez ng Doña Trinidad Farmers Association ang DA para sa natanggap nilang kagamitan.
“Nagpapasalamat po ako sa DA na nagkaroon ng ganitong project na makakatulong sa mga kabarangay ko o sa bayan at sa [pag-abot ng] aming mga mithiin na maging produktibo ang aming lupa. Sisikapin namin talaga na makapakinabangan ng lahat [ang proyekto] lalo na ng mga tao sa komunidad namin,” pahayag nito.
Ayon naman sa ahensya, sa tulong umano ng kanilang mga interbensyon ay inaasahang mas tataas pa ang produksyon ng mga gulay sa mga nabanggit na bayan sa susunod na mga buwan.