Natapos nang pagandahin ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA ang Libertad Mangrove and Aqua Silvi Culture Park na matatagpuan sa Barangay Libertad sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Ang nasabing park ay pinondohan ng aabot sa P8.5 million ng ahensya para sa mga pasilidad sa pasyalan kagaya ng boardwalk, cottages, green restroom, at gathering area.
Kamakailan ay personal na itong na-iturnover ng TIEZA at ng lokal na pamahalaan sa Community Barangay Officials, Fisherfolks and Farmers Association o COMBOFIFA, ang asosasyon na inaasahang mamahala sa pasyalan.
Sa panayam ng PIA Romblon kay Alfonso Firmalo, presidente ng asosasyon, sinabi nitong malaking bagay sa kanila ang mapondohan ang nasabing pasyalan at sila ang mapili na benepisyaryo ng proyekto.
Dadgag pa nito, maliban sa mapapalakas nito ang turismo sa kanilang barangay at sa bayan, makakatulong din ito sa mga mangingisda at magsasaka na siyang magtutulong-tulong sa pamamahala at pagbabantay sa lugar.
Halagang P30 ang pansamantalang entrance fee sa lugar. Bukas ito araw-araw mula alas-7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.