Naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang mas mabagal na inflation rate sa probinsya ng Romblon nitong nakaraang Oktubre.
Sa ginanap na press conference ng PSA Romblon nitong Miyerkules, iniulat ni Engr. Dandy Fetalvero, supervising statistical specialist, na bumaba sa 8.2% ang inflation rate ng probinsya ng Romblon nitong nakaraang buwan, mas mababa ito sa naitala noong September kung saan umabot sa 9.7%.
Ang average inflation naman sa probinsya para ngayong taon ay nasa 7.1% na, ayon kay Fetalvero.
Ang mas mababang inflation ay dahil sa pagbaba naman ng inflation ng food and non-alcoholic beverages kung saan nakapagtala ng 10% kumpara sa 13.2% noong nakaraang buwan. Kabilang na dito ang pagbaba ng inflation ng bigas, mga itlog, at asukal.
Noong nakaraang buwan ay panahon ng anihan ng mga magsasaka sa Mindoro kung saan umaangkat ng bigas ang lalawigan kaya nakapagatala ng mas mababang inflation ng bigas sa probinsya.
Ang pagbaba rin umano ng inflation ng kuryente, at gasulina nitong Oktubre maging ang pagbaba ng presyo ng mga damit at sapatos ay nakaapekto rin sa pagbaba ng kabuoang inflation sa probinsya noong nakaraang buwan.
Bagama’t bumagal, ang Romblon parin ang may pinakamataas na inflation rate sa buong rehiyon ng Mimaropa para sa buwan ng Oktubre.