Tumanggap nitong November 10 ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development ang mga mag-aalaga ng baboy na naapektuhan ng african swine fever (ASF) sa bayan ng Cajidiocan at San Fernando, Romblon.
Ayon kay Social Welfare and Development Team Leader Abegail Fetilo, ang ipinamahaging ayuda ay mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation program na pinondohan ng opisina ni Congressman Eleandro Madrona.
Aabot sa 688 ang nabigyan ng ayuda sa bayan ng San Fernando at 905 naman sa bayan ng Cajidiocan.
Sinabi ni Fetilo na beripikado ang mga benepisyaryo ng Municipal Agriculture Office ng kani-kanilang mga bayan kaya napabilang sa nabigyan ng ayuda.
Ito ang mga hog raisers na namatayan ng baboy o di kaya ay hindi makapagbenta na ng baboy dahil sa sakit.
P2,000 ang natanggap na ayuda ng mga hog raisers.
Samantala, namahagi rin ng tulong ang Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Jose Riano para naman sa mga hog raisers na beripikadong namatayan ng mga baboy dahil sa sakit.
Sinabi ni Fetilo na magpapatuloy ang kanilang verification para mabigyan ng tulong ang iba pang naapektuhan ng sakit sa isla maging ang mga hog raisers na nasa isla ng Tablas na apektado na rin ng virus.